IATF, magpapatupad na lamang ng 2 quarantine classification sa pagkontrol ng kaso ng Covid-19
Pinagtibay na ng Inter-Agency Task Force ang bagong patakaran o policy shift na ipatutupad sa National Capital Region bilang pilot testing habang hinaharap ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na magiging dalawa na lamang ang quarantine classification na ipatutupad na kinabibilangan ng Enhanced Community Quarantine na idedeklara ng IATF sa malawak na area at General Comnunity Quarantine with alert levels 1, 2, 3, 4 granular lockdown na ipatutupad sa mga piling lugar.
Ayon kay Roque kapag lumalala ang kaso ng COVID-19 sa isang rehiyon ay magdedeklara ng ECQ o hard lockdown ang IATF samantalang ang pagpapatupad ng GCQ with alert level granular lockdown ay nasa pagpapasiya naman ng Local Government Units.
Inihayag ni Roque sa ngayon ay pinag-uusapan pa rin ng IATF at Metro Manila Mayors kung isasailalim sa Alert level 4 GCQ ang NCR mula September 16 hanggang September 30 na katumbas nito ay hard lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID 19 dulot ng Delta variant.
Niliwanag ni Roque sa ilalalim ng GCQ Alert level 4 ay hindi papayagan ang sinuman na magkaroon ng paglabas at pagpasok ng tao sa lugar maging ang Authorized Persons Outside Residence (APOR) maliban sa mga medical essentials at magbibigay ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development at LGU.
Sa alert level 3 ay papayagan na makalabas ng tahanan ang mga APOR at 20 percent sa mga social gatherings at operasyon ng mga negosyo, habang sa alert level 2 papayagan na makalabas ang APOR at 50 percent ang social gatherings at operasyon ng negosyo at ang alert level 1ay wala ng restriction basta sundin lamang ang minimum health.
Vic Somintac