IATF, magsasagawa ng regular assessment para sa alert level adjustment matapos makapasok sa bansa ang Omicron variant – Malakanyang
Magkakaroon ng mahigpit na monitoring at assessment ang Inter Agency Task Force o IATF kaugnay ng posiblelng pagkalat ng Omicron variant ng COVID-19 na sinasabing mas mabilis makahawa kumpara sa ibang variant.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles nakatutok ang IATF sa magiging epekto ng Omicron variant ng COVID-19 matapos kumpirmahin ng Department of Health o DOH na nakapasok na ito sa bansa.
Ayon kay Nograles sa sandaling magkaroon ng local transmission ng Omicron variant ng COVID-19 agad na magsasagawa ng alert level adjustment ang IATF kung saan nasa alert level 2 ang buong bansa hanggang December 31.
Inihayag ni Nograles,maituturing na kontrolado ang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa dahil nasa pag-iingat ng Bureau of Quarantine ang dalawang nagpositibo.
Batay sa report ng DOH isang returning overseas filipino o ROF na galing sa Japan at isang Nigerian national na galing mismo sa Nigeria ang nagpositibo sa Omicron variant ng COVID-19 batay sa resulta ng genome sequencing ng Philippine Genome Center ng University of the Philippines.
Vic Somintac