IATF: Mga lalahok sa Clinical trial ng Covid-19 vaccine, bibigyan ng kompensasyon
Magkakaloob ang Inter-Agency Task Force o IATF ng standard compensation sa mga lalahok sa clinical trials para sa posibleng bakuna kontra Covid-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña na bibigyan ng kompensasyon ang bawat participants para sa araw na hindi sila makakapagtrabaho.
Ayon kay dela Peña kasama din dito ang meal allowance at transportation allowance kung sila ay kinakailangan pang bumiyahe.
Sa ngayon ay hindi pa masabi ni Dela Peña kung magkano ang eksaktong halaga na ibibigay sa mga participants ng clinical trials.
Niliwanag ni dela Peña para mamonitor ang kalagayan ng mga clinical trial volounteers kinakailangang residente sila ng Barangay kung saan isasagawa ang trials at dinidiscourage ang pagsali ng mga nangungupahan lamang.
Una nang tinukoy ng IATF ang pagdarausang mga lugar sa bansa ng clinical trial na kinabibilangan ng Metro Manila, Calabarzon at Cebu City.
Nabatid na 6,000 volunteers ang kailangan ng ilang independent companies para sa pagsasagawa ng phase 3 ng clinical trials habang isang libo naman para sa World Health Organization solidarity trials.
Vic Somintac