IATF muling nagcovene para talakayin ang isyu ng face mask policy sa Cebu
Muling nag-convene ang Inter-Agency Task Force against COVID- 19 para talakayin ang bagong face mask policy sa Cebu City.
Sa nasabing pulong, bubuo sila ng magiging rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungkol sa isyu.
Matatandaang una ng sinabi ni Department of Health-OIC Maria Rosario Vergeire na hindi sila nakonsulta sa bagong patakaran na ito ng lokal na pamahalaan ng Cebu City.
Ang magiging posisyon aniya ng DOH sa nasabing pulong ay ibabase sa siyensya.
Sa Executive Order ni Cebu City Mayor Michael Rama, nakasaad na mula September 1 hanggang December 31, 2022 ay nasa trial period pa lang ang “non-obligatory” o opsyonal na paggamit ng face mask sa open area.
Nakalagay rin sa EO na kung magkaroon ng surge ng COVID-19 cases awtomatikong babawiin ang nasabing kautusan.
Ayon kay Vergeire, delikado ang hakbang na ito dahil ang COVID- 19 pwedeng mas kumalat sa buong bansa.
Hindi lang naman kasi aniya maiiwasan na ang mga nasa Cebu ay pupunta rin sa iba pang lugar sa bansa.
Giit ng health official, 70% hanggang 80% ng proteksyon ang naibibigay ng face mask laban sa virus.
Madelyn Villar – Moratillo