IATF, naglabas ng updated list ng Red at Green countries para sa border control ng bansa
Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang updated list ng mga bansang ikinukonsiderang red at green countries bilang bahagi ng border control ng Pilipinas kontra COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang bagong classification sa mga bansang ito ay magiging epektibo sa Linggo, September 19 hanggang September 30.
Kabilang sa red list countries ay ang Grenada, Papua New Guinea, Serbia at Slovenia.
Ayon sa IATF resolution, sinumang mga biyahero na manggagaling sa mga bansang nasa red list ay hindi papapasukin sa Pilipinas dahil ito ay nasa high risk classification o matindi ang taas ng kaso ng COVID-19 o may higit sa 500 kaso sa bawat 100,000 populasyon sa loob ng 28 araw.
Ang mga kasama naman sa green list countries o may low-risk classification ng COVID-19 ay ang mga bansang American Samoa, Burkina Faso, Cameroon, Cayman Islands, Chad, China, Comoros, Republic of Congo, Djibouti, Equatorial Guinea, Falkland Islands, Gabon, Hongkong, Hungary, Madagascar, Mali, Federated States of Micronesia, Montserrat, New Caledonia, New Zealand, Niger, Northern Mariana Islands, Palau, Poland, Saba, Saint Pierre and Miquelon, Sierra Leone, Sint Eustatius, Taiwan, Algeria, Bhutan, Cook Islands, Eritrea, Kiribati, Marshall Islands, Nauru, Nicaragua, Niue, North Korea, Saint Helena, Samoa, Solomon Islands, Sudan, Syria, Tajikstan, Tanzania, Tokelau, Tonga, Turkmenistan, Tuvalu, Vanuatu at Yemen.
Ang mga green list countries ay may hindi lalagpas na 50 kaso lamang ng COVID-19 para sa populasyong mahigit 100,000 sa 28 araw.
Ang mga biyahero na galing sa green list countries bakunado man o hindi ay kailangang sumailalim sa pitong araw na facility based quarantine at RT-PCR swab test sa ika-limang araw at kung negative ang test result ay palalabasin sa ika-walong araw.
Samantala ang iba pang mga bansa at mga teritoryo na hindi nabanggit ay kabilang na sa yellow list o moderate risk classification at may COVID-19 cases na 50 hanggang 500 kada 100,000 populasyon.
Ang mga pasaherong manggagaling sa yellow list countries ay kailangang sumailalim sa 14 days quarantine period at RT-PCR test sa ika-pitong araw at kapag negative ang test result ay palalabasin sa ika-sampung araw subalit itutuloy ang apat na araw na nalalabing quarantine period sa kanilang tahanan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga lokal na pamahalaan.
Vic Somintac