IATF, naglatag ng mga kundisyon para sa mga dayuhang papayagang pumasok sa bansa simula sa Pebrero
Pinagtibay na ng Inter Agency Task Force (IATF) ang Resolusyon na nagbibigay ng kundisyon sa mga dayuhan na papayagang makapasok na sa bansa simula sa unang araw ng Pebrero.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na inaatasan ng IATF ang Bureau of Immigration na maglabas ng kaukulang guidelines para sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa.
Ayon kay Roque kabilang sa mga dayuhang pinapayagang makapasok na sa bansa ay ang mga investor alinsunod sa mga naunang IATF Resolution at mga dayuhang asawa ng mga Filipino alinsunod sa Republic Act 6768 o Balikbayan Law.
Inihayag ni Roque kabilang sa mga kundisyon na dapat sundin ng mga dayuhang papasok sa bansa ay kailangang mayroong balidong visa maliban sa mga dayuhang pasok sa Balikbayan Law na binigyan ng No Visa entry, dapat mayroong pre-booked accomodations na hindi kukulangin ng pitong gabi sa mga accredited quarantine hotel o facility at papayag na isailalim sa COVID 19 test sa ika-anim na araw mula sa petsa ng arrival.
Magugunitang mula noong magpatupad ng mahigpit na Quarantine Protocol dahil sa pandemya ng COVID 19 ay suspendido ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhan.
Vic Somintac