Iba pang appellate collegiate courts sa NCR, nirebisa rin ang 4-day work week scheme
Sumunod sa Korte Suprema ang iba pang appellate collegiate courts sa Metro Manila sa implementasyon ng revised 4-day work week schedule.
Sa magkakahiwalay na kautusan ng pamunuan ng Court of Appeals, Sandiganbayan, at Court of Tax Appeals, sinabi na simula sa Abril 4 ay ipatutupad ang revised flexible working arrangement sa mga kawani at opisyal nito.
Dahil dito, apat na araw papasok on-site ang mga court personnel at isang araw naman ay work-from-home.
Hahatiin din sa dalawang grupo ang court staff na ang unang grupo ay Lunes hanggang Huwebes ang iskedyul ng pasok habang ang ikalawang grupo ay mula Martes hanggang Biyernes.
Una nang inamyendahan ng Supreme Court ang ipinatupad na 4-day working schedule dahil sa ito ay naging counter-productive.
Nagpatupad ng 4-day work week scheme ang SC at mga appellate collegiate courts para maibsan ang epekto ng serye ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Moira Encina