Iba pang kontrata ng DOT sa DDB Philippines suspendido – Sec. Frasco
Sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ang isa pang kontrata nito sa ad agency na DDB Philippines na siyang responsable sa palpak na tourism video campaign ng ‘Love the Philippines.’
Sa budget hearing ng DOT, kinwestyon ng isang kongresista ang isa pang P124.45 million contrat ng ahensya sa DDB para sa counseling services ukol sa promosyon ng Philippine Islands, award-winning destinations, at tourism products na dapat ay magtatapos sa August 31, 2023.
Bukod pa rito ang P12.99 million contract sa pagitan ng DDB Philippines at Tourism Promotion Board (TPB), para sa consulting services ukol sa pagkonsepto at pagbuo ng mga meetings, incentive travel, conventions at exhibitions.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na terminated na ang kontrata sa video presentation na gumamit ng stock footage, habang suspendido na rin ang iba pang kontrata.
Inihayag pa ni Frasco sa pagdinig ng House Committee on Appropriations na forfeited na rin ang security bond ng DDB.
Gayunman, sinabi ni TPB Chief Operating Officer Margarita Nograles na itutuloy nila ang kontrata dahil ayos na ang deliverables at handa na para ilunsad.
Bukas naman ang DOT sa mungkahing kasuhan ang DDB Philippines kasabay ng pagtiyak na ang budget para sa tourism campaign ay intact at ang produktong nagawa ng DDB ay hindi gagamitin.
Weng dela Fuente