Iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, pumirma sa isang manipesto kontra korapsyon sa Malakanyang
Pumirma sa isang manipesto kontra korapsyon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Nasa 80 ahensya ng gobyerno ang nakiisa sa manifesto signing na pinangunahan ng Presidential Anti Corruption Commission Corruption o PACC sa Malakanyang.
Laman ng manifesto ang pangako na lalabanan nila ang korapsyon sa kanilang mga opisina at maging tapat sa kanilang sinumpaan bilang public officials.
Pakiisa rin ito sa hangarin ng PACC na makapaglagay ng Katarungan Desks sa kanilang mga opisina para mas madaling maireport ang mga reklamo ng korapsyon.
Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica kabilang sa mga lumagda sa manipesto ang mga kinatawan ng TESDA, SSS, DILG, LTO, DOLE, DOTR at iba pa.
Patunay umano ang manipesto sa pagsunod ng mga ahensya ng gobyerno sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan ang korapsyon sa pamahalaan.
Sa talumpati naman ni Senador Bong Go na nakiisa rin sa paglagda ng manipesto pinaalalanan niya ang mga opisyal ng gobyerno na alagaan ang tiwala ng publiko at huwag magbulsa ng pera ng bayan.
Ulat ni Vic Somintac