Iba’t-ibang barangay sa Tarlac City halos sabay sabay na nagtayo ng community pantry
Halos sabay-sabay na nagtayo ng community pantry ang iba’t-ibang barangay sa Tarlac City, na matatagpuan sa barangay covered court o sa mismong harapan ng kani-kanilang Barangay Hall.
Nakalatag ang ibat-ibang uri ng pagkain tulad ng gulay, bigas, de lata, itlog, prutas at iba pa.
Mahigpit na ipinatupad ang minimum health protocols, dahil hindi bibigyan ang sinumang magtutungo sa community pantry na walang suot na face mask at face shield, at agad ding pinaaalalahanan ng mga opisyal ng barangay ang mga tao kapag hindi na nasusunod ang tamang distansya ng mga nakapila.
Ayon kina Barangay Chairman Jerjon Viray ng Barangay San Roque at Nelson Maglanoc ng Barangay San Vicente, mga pangkaraniwang mamamayan ang karamihan sa mga nagdonate ng mga pagkain para sa community pantry, at mayroon ding nagdonate na basta na lamang iniwan ng mga ito ang mga pagkain sa harap ng kanilang barangay hall habang sarado pa ito.
Katuwang ng mga barangay chairman ang mga kagawad sa pangangasiwa sa aktibidad kung kaya’t nasunod ang health protocols, naging organisado, maayos, at mabilis, ang isinagawang aktibidad na tinawag na community pantry ng Barangay.
Ulat ni Dan Oca