Iba’t-ibang delicacies, tampok sa Philippine-Vietnamese food fair
Iba’t-ibang masasarap na pagkain ang naging tampok sa Philippine-Vietnamese food fair na isinagawa sa Newport Mall sa Pasay City.
Tampok din ang iba’t-ibang tradisyunal na mga kasuotan na sumisimbolo sa lahi, tradisyon at kultura ng Pilipinas at Vietnam.
Isa sa layunin ng programa ay ang mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa pagdating sa larangan ng negosyo, para makatulong pangunahin sa mga Filipinong naapektuhan ng pandemya at maibangon ang ekonomiya na naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19.
Simula kasi nang tumama sa bansa ang pandemya, ay maraming Micro, small and medium enterprises (MSMEs), ang dumapa ang kabuhayan partikular sa kasagsagan ng lockdown na umiral sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas at maging sa ibayong dagat.
Gayunman, malaki ang pag-asa ng ilang samahan o grupo ng MSMEs na nakipagkaisa sa naturang aktibidad, na mapalalakas ang ugnayan ng Pilipinas at Vietnam sa pamamagitan ng modernong istratehikong kalakaran ng produkto, sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, umaasa naman ang ilang mga negosyanteng Vietnamese, na magkaroon din ng pagkakataon na makapagsagawa ng ganitong event sa kanilang bansa, upang makilala ang mga pagkaing Pinoy at kulturang maipagmamalaki sa buong mundo.
Ulat ni Jimbo Tejano