IBP Chapter idinipensa ang mga abogado ng PAO laban sa malisyosong pahayag ni Tulfo
Nagpahayag ng suporta ang Integrated Bar of the Philippines- Cagayan Chapter sa lahat ng mga abogado ng Public Attorney’s Office at lahat ng legal aid lawyers.
Kasunod ito ng pahayag ng senatorial candidate na si Raffy Tulfo na hindi raw kinakatawan ng mga abogado ng PAO ang mga mahihirap na kliyente sa inquest proceedings.
Sa statement na pirmado ng board ng IBP Cagayan Chapter, kinundena nito ang mga malisyosong pahayag ni Tulfo.
Misleading anila ang sinabi ni Tulfo dahil pinapalabas nito sa publiko na hindi pinagsisilbihan ng PAO at legal aid lawyers ang mahihirap at hindi nito ginagawa ang trabaho nito na magkaloob ng libreng legal service
Pinuri ng IBP Cagayan ang public attorneys na inaabot ng gabi sa pagtatrabaho malayo sa kanilang pamilya para maipagtanggol ang mga kliyente.
Itinuturing ng grupo na unsung heroes sa legal profession ang mga nasa PAO.
Ito ay lalo na’t itinatalaga ng mga ito ang kanilang kaalaman at kakayanan para mabigyan ng legal assistance ang mga underpriviliged at marginalized.
Hindi raw papayag ang IBP Cagayan na madungisan ng disinformation ang reputasyon ng legal profession.
Hinimok din ng IBP Cagayan ang iba pang IBP chapters na kastiguhin ang pahayag ni Tulfo at idipensa ang PAO.
Moira Encina