IBP handang tumulong sa imbestigasyon at prosekusyon sa mga suspek sa tangkang pagpatay sa opisyal ng NUPL
Tiniyak ng Integrated Bar of the Philippines na handa itong tumulong sa pamilya ni Atty. Angelo Karlo Guillen na sugatan matapos saksakin sa ulo at balikat ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Iloilo City noong Miyerkules ng gabi.
Sa isang statement, sinabi ng IBP na handa rin itong makipagtulungan sa mga imbestigador at otoridad para matukoy, maaresto, at mapanagot ang mga suspek.
Si Guillen ay opisyal ng NUPL sa Visayas at isa rin sa mga abogado sa isang petisyon na kumukwestyon sa Anti- Terror law.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ng IBP na ang pangunahing responsibilidad ng pamahalaan ay maproteksyunan ang mga mamamayan nito.
Sinabi pa ng IBP na may international obligation din ang gobyerno na matiyak na magagampanan ng mga abogado ang kanilang trabaho nang walang takot, harassment, at paghihiganti.
Hinimok din ng IBP ang mga abogadong Pilipino na matapang na tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin sa kabila ng pandemya ng kriminalidad.
Moira Encina