IBP hiniling sa NTF na mapabilang din ang mga abogado sa A4 vaccination priority group
Pormal nang sumulat ang Integrated Bar of the Philippines sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) para hilinging mapasama ang mga abogado sa A4 vaccination priority list.
Ang A4 priority population group ay kinabibilangan ng mga frontline workers sa mga itinuturing na essential public at private sectors na direktang humaharap sa mga kliyente at hindi lubusang masusunod ang minimum health standards.
Sa liham ni IBP National President Egon Cayosa sa NTF, sinabi na ang mga korte at iba pang tribunals at ang kinakailangang physical contact sa pagitan ng mga abogado at mga kliyente ay napatunayang spreaders ng COVID-19.
Ayon pa sa IBP, may ilang hukom, piskal, at practicing lawyers na ang pumanaw dahil sa virus sa kabila ng mga lockdowns at travel restrictions.
Iginiit ng IBP na ang mga legal frontliners ay at risk din sa COVID at kailangan din na maproteksyunan.
Paliwanag pa ng IBP sa NTF, may pangangailangan para maging operational ang justice sector ngayong panahon ng krisis.
Una rito ay pinayagan ng NTF ang hiling ng Korte Suprema na makasama ang mga judiciary employees sa A4 priority group gaya ng mga uniformed personnel at iba pang essential workers.
Moira Encina