IBP, hinimok ang DOJ na gawing transparent ang ebalwasyon at kompyutasyon ng Good Conduct Time Allowance
Nanawagan ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Department of Justice (DOJ) na gawing transparent ang ebalwasyon at kompyutasyon ng Good Conduct Time Allowance ng mga bilanggo.
Sa isang statement na may lagda ni IBP National President Atty Domingo Egon Cayosa, hinimok nila na i-upload sa websites ng DOJ at ng mga Penal institutions ang basehan at ebalwasyon ng magandang asal at kompyutasyon ng pinaikling sentensya ng preso.
Hinikayat din ng IBP na dapat ang mga presong inirekomendang makalaya nang maaga partikular ang mga presong guilty ng mga heinous crimes ay dapat maingat na rebyuhin ng DOJ.
Mabuti rin anyang abisuhan din ng gobyerno ang mga pribadong offended parties at pamilya ng mga biktima.
Iminungkahi pa ng IBP na maglagay ng safeguards at refinements sa implementasyon ng RA 10592 o kaya ay amyendahan ang batas.
Naniniwala naman ang IBP na isang valid na batas ang RA 10592 at may mabuting layunin na mareform ang mga bilanggo at madecongest ang mga kulungan.
Ulat ni Moira Encina