IBP, hinimok ang pamahalaan na maging transparent sa mga kontrata sa COVID vaccines
Nanawagan ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na isapubliko ng gobyerno ang mga kasunduan na pinasok nito sa mga biniling COVID-19 vaccines.
Ito ay sa harap ng non-disclosure ng gobyerno sa presyo ng mga biniling bakuna kontra COVID.
Sa isang statement, sinabi ni IBP National President Domingo Egon Cayosa na mayroong legal na basehan para sa transparency kahit nasa ilalim ng public health emergency ang bansa dahil sa pandemya.
Ayon kay Cayosa, mabuting ipabatid sa mamamayan ang ukol sa bakuna at ang mga desisyon sa pagbili maging ang pondong ginamit.
Binanggit ng opisyal ang kambal na probisyon sa Saligang Batas, Article II, Section 28 at Article III, Section 7 ukol sa full public disclosure ng lahat ng transaksiyon na may public interest at ang right to information ng publiko.
Tinukoy din ng liderato ng IBP ang Freedom of Information executive order na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ng IBP na mas mabilis na ” mag-heal as one ” ang bansa kung well-informed ang mga mamamayan.
Una rito ay binigyang-diin ni Vaccine Czar Carlito Galvez na malinis at alinsunod sa mga mahigpit na panuntunan ang negosasyon ng gobyerno sa COVID vaccines.
Nakamura rin aniya ng $700-M ang Pilipinas sa mga biniling bakuna.
Moira Encina