IBP nagpasalamat sa NTF sa pagsama sa mga abogado sa A4 vaccine priority group
Ikinatuwa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagkakasama ng mga abogado sa ikaapat na priority group sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno.
Sinabi ni IBP National President Domingo Egon Cayosa na nagpapasalamat sila sa NTF sa pagpabor sa kanilang kahilingan na mapabilang ang mga legal frontliners sa Priority Group A4 kasama ng iba pang essential workers.
Batay sa priority list na inilabas ng pamahalaan, ang mga frontline workers sa law/justice, security, at social protection sectors ay kabilang sa A4.13 category.
Ayon kay Cayosa, parehong mapuproteksyunan na rin mula sa COVID-19 ang mga litigation lawyers, piskal, PAO lawyers at iba pang abogado gaya ng mga mahistrado at iba pang court personnel.
Tiniyak ng IBP na makikipagkaisa sila para matiyak ang patas at efficient na alokasyon ng bakuna.
Sa kanilang kahilingan sa NTF, iginiit ng IBP na at risk din sa COVID-19 at kailangan din na maproteksyunan ang mga abogado lalo na’t hindi maiiwasan sa kanilang trabaho ang direktang contact sa mga kliyente.
Moira Encina