IBP nanawagan ng full transparency sa pagbenta ng Malampaya gas project sa Udenna ni Dennis Uy
Nagpahayag ng pangamba ang Integrated Bar of the Philippines sa pagbenta ng 90% share ng Malampaya natural gas resource project sa Udenna companies ng Davao businessman na si Dennis Uy.
Sa statement ng liderato ng IBP, sinabi na ang Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project sa ilalim ng Petroleum Service Contract o SC No. 38 ay vital energy resource ng bansa.
Binanggit din ng IBP ang mga alegasyon ng katiwalian na pumapaligid sa pagbenta ng parehong 45% shares ng Chevron at Shell sa subsidiaries ng Udenna.
Ang nalalabing 10% ng Malampaya project ay nananatili sa state-owned na Philippine National Oil Corporation.
Ayon sa IBP, suportado nito ang imbestigasyon ng Senado ukol sa Malampaya deal sa Udenna dahil sa strategic importance ng offshore gas field sa pambansang seguridad at economic interest.
Malalaman aniya sa pagdinig kung naging transparent ang Department of Energy sa pagdetermina sa financial at technical qualification ng Udenna companies para bilhin ang mayorya ng interes ng gas project.
Pero habang hinihintay na matapos ang Senate hearing, iminungkahi ng IBP na ipawalang-bisa ng DOE ang pag-apruba sa paglipat ng interes ng Shell at Chevron sa Udenna companies.
Nais din ng IBP na rebyuhin at ikonsidera ng DOE na palawigin ang petroleum service contract na magpapaso sa 2024 pabor sa orihinal na Malampaya consortium na Shell, Chevron, at PNOC bunsod na rin ng inaasahang depletion ng Malampaya natural gas field.
Iginiit ng lawyers’ group na dapat maging transparent ang DOE sa ebalwasyon ng mga transaksyon na kritikal sa energy resources ng bansa at ang mga developers ay technically at financially competent.
Moira Encina