IBP suportado ang mga panukalang batas sa pagdaragdag ng mga trial courts, at hazard pay sa mga public prosecutors
Ipinahayag ng Integrated Bar of the Philippines ang suporta nito sa mga panukalang batas sa Kamara para sa paglikha ng mga karagdagang trial courts sa bansa.
Sa pagdinig ng Justice Committee ng Kamara, sinabi ni IBP National President Domingo Egon Cayosa, makatutulong sa kanilang Justice Bilis campaign ang pagdaragdag ng mga hukuman.
Anya sa kabila ng mga improvements para mapabilis ang mga resolusyon ng kaso ay mas matagal pa rin na matapos ang pagresolba ng mga kaso sa Pilipinas kumpara sa ibang hurisdiksyon.
Isa anya sa mga pangunahing dahilan ay ang napakaraming mamamayan para sa isang trial court, at ang mga bakanteng pwesto sa hudikatura at piskalya.
Batay pa anya sa obserbasyon ng IBP at mga abogado, may mga delay sa appointment ng mga hukom kaya natatagalan ang operasyon ng mga bagong likhang korte.
Kasabay nito, sinuportahan din ng IBP ang panukalang hazard para sa mga public prosecutors.
Pero, iminungkahi ng IBP na ang hazard pay ay ibigay ng case to case basis, at may malinaw na pamantayan at proseso.
Inirekomenda rin ng IBP na ibigay ang katulad na hazard pay sa mga hukom, PAO lawyers, at iba pang abogado na nagsisilbi sa justice sector.
Moira Encina