IBP umalma sa red-tagging ng militar sa ilang abogado
Itinanggi ng Integrated Bar of the Philippines na miyembro ng New People’s Army ang tatlong abogado na tinukoy sa Facebook post ng Armed Forces of the Philippines Information Exchange.
Sa nasabing post, tinukoy ang sinasabing ilang estudyante ng UP na naging NPA at namatay o kaya ay nadakip.
Binatikos naman ni IBP National President Domingo Egon Cayosa ang red- tagging ng militar sa mga abogadong sina Roan Libarios, Alexander Padilla at Rafael Angelo Aquino.
Pinasinungalingan ni Cayosa ang pahayag ng AFP na kasapi ng NPA ang tatlong abogado.
Hindi rin anya nadakip at buhay na buhay sina Libarios, Padilla, at Aquino.
Iginiit ng IBP na mga responsable at iginagalang na abogado ang tatlo.
Si Atty. Libarios anya ay dating IBP National President at Chairman ng IBP 20th Board of Governors.
Naging Editor-In- Chief din anya si Libarios ng UP Collegian, Vice Governor ng Agusan del Norte, Congressman ng Second Legislative District ng Agusan Del Norte, at miyembro ng GRP Peace Panel at 2018 Consultative Committee on Charter Change.
Si Atty. Padilla naman ay naging Presidente ng UP Law Student Government, Assistant Secretary ng DILG, Commisioner ng Housing and Land Use Regulatory Board, Commissioner ng Customs, Health Undersecretary, President ng PhilHealth, at GRP Chief Peace Negotiator.
Isa naman dating UP student leader, legal counsel ng Rotary International District 3830, senior partner ng private law firm, at volunteer lawyer ng Free Legal Assistance Group si Atty. Aquino.
Sinabi ng IBP na nakukompromiso ang seguridad at kaligtasan at nadudungisan ang reputasyon ng mga nasabing indibidwal dahil sa red-tagging ng militar.
Binigyang-diin pa ng IBP na ang red- tagging ay iligal, hindi patas at pagbalewala sa due process at rule of law .
Hinikayat ng IBP ang mga otoridad na itama ang pagkakamali at maglatag ng polisya laban sa red tagging.
Moira Encina