ICC Appeals Chamber ibinasura ang apela ng Pilipinas laban sa drug war probe
Tuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera kontra droga sa Pilipinas.
Ito ay matapos na pagtibayin ng mayorya ng ICC Appeals Chamber ang pag-otorisa ng Pre Trial Chamber 1 sa ICC prosecutor na ipagpatuloy ang drug war probe sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng appeals chamber ng International Criminal Court sa The Hague nitong Martes, inanunsiyo nito ang pagbasura sa apela ng gobyerno ng Pilipinas na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa pag-otorisa ng Pre Trial Chamber 1 ng ICC sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa giyera kontra droga sa Pilipinas.
Noong Pebrero matatandaan na naghain ng notice of appeal ang OSG ng Pilipinas laban sa ruling noong Enero ng ICC Pre Trial Chamber 1 na pumapayag sa drug war probe.
Hindi nasapatan ang pre trial chamber sa mga hakbangin at imbestigasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa war on drugs campaign mula November 2011 hanggang March 2019.
Ayon sa appeals chamber, mayorya o tatlo sa limang miyembrong judge nito ang bumoto pabor sa pagpapatuloy ng ICC probe.
Ibinasura rin ng mayorya ng appeals chamber ang apat na grounds na tinukoy ng gobyerno ng Pilipinas para huwag ituloy ang drug war.
Tumutol naman sa desisyon ang dalawang hukom ng appeals chamber kabilang si Presiding Judge Marc Perrin De Brimchambaut.
Ang desisyon ay inilabas sa ika-25 anibersaryo ng paglagda sa Rome Statute ng ICC.
Kabilang sa ibinasura ng ICC ay ang isyu ng hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Ayon sa ruling, hindi maaayos na nailatag ng Pilipinas ang epekto ng pagkalas ng bansa sa Rome Statute ng ICC.
Samantala, iginiit naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi welcome ang ICC sa bansa na aniya’y may political agenda.
Ayaw aniya ng gobyerno na may nakikialam na ibang mga bansa sa sistema ng hustisya ng Pilipinas lalo na at hindi naman kolonya at teritoryo ng anumang bansa ang Pilipinas.
Ayon sa kalihim, kung may mga kailangan na managot sa war on drugs ay ang mga otoridad at mga korte sa bansa ang magpapanagot at magpapataw ng parusa sa mga ito.
Hindi rin aniya ipatutupad ng pamahalaan ang arrest warrant na ipapalabas kung sakali ng ICC laban sa sinuman na nais nito na imbestigahan at papanagutin.
Moira Encina