ICC issue, ‘di natalakay ng DOJ kay UN Special Rapporteur Khan
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi napag-usapan ang isyu ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera kontra droga ng bansa sa pagharap nito kay UN Special Rapporteur Irene Khan.
Ayon kay Justice Undersecretary Hermogenes Andres, ibang usapin at walang kinalaman sa ICC ang pagbisita ni Khan sa Pilipinas.
Ang special rapporteur aniya ay kinatawan ng UN kung saan miyembro ang Pilipinas hindi tulad ng ICC na hindi na kasapi ang bansa.
Pangunahing natuon aniya sa lahat ng aspeto ng karapatang pantao bukod sa estado ng freedom of the press at expression ang pakikipagpulong ng DOJ sa UN special rapporteur.
“No, no. Thats a different matter. Moving towards that aspect human rights defndrs issue was raised it was lengthily discussed” ani Justice Undersecretary Hermogenes Andres.
Tiniyak ng DOJ kay Khan na ang promosyon at proteksyon ng karapatang pantao ay saligan ng kagawaran sa pagtupad ng mandato nito.
Sinabi pa ng DOJ na nakikiisa at nakikipagtulungan ito sa civil society organizations at mga biktima para maresolba ang iba’t ibang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Inihayag naman ni Usec. Andres na bukas ang isipan ni Khan sa mga paliwanag ng DOJ at hindi umano nito prejudged ang bansa sa mga isyu ng karapatang pantao.
Moira Encina