Ice plant sa pasay pansamantalang isinara dahil sa Ammonia leak
Mabilis na narespondehan ng mga bumbero ang insidente ng ammonia leak sa planta ng yelo sa kanto ng Layug Street at FB Harrison Street sa Brgy 3 sa Pasay City.
Naganap ang leak ng 9:30 ng umaga at nakontrol matapos ang 30 minuto.
Ayon sa operations head ng Summit Ice Dealer na si Jojo Ramos, ito ang unang pagkakataon na nagka- ammonia leak sa kanilang planta na siyam na taon ng nagooperate.
Nakatulong naman aniya nang malaki ang taunang safety drills at seminars sa kanilang empleyado kaya walang napinsala o nasugatan sa mga tauhan ng planta ng yelo.
Labing -tatlo aniya ang kawani ng planta kung saan Lima ang nakaduty nang mangyari ang pagtagas habang ang iba na stay-in ay natutulog.
Sa inisyal na imbestigasyon ay posibleng sa gasket ng planta ang pinagmulan ng tagas.
Sarado muna pansamantala ang ice plant habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Moira Encina