Iimbestigahan ng Kamara ang libo-libong Motorcycle Taxi sa Metro manila
Ipapatawag ng Kongreso ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para pagpaliwanagin sa ulat na pagdaragdag ng 8,000 units na pinayagang makapasok sa ilalim ng pilot study sa motorcycle taxi services sa Pilipinas.
Giit ni Manila Congressman Joel Chua, Vice Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, nilalabag ng LTFRB ang mga alituntunin ng Technical Working Group na nagsasagawa ng pag-aaral sa motor taxi.
Nabatid na si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz ang tumatayong Chairman ng nasabing TWG.
Ayon kay Chua, personal na rin siyang sumulat sa Department of Transportation at LTFRB kung saan hiniling niya na magkaroon ng moratorium sa pagdaragdag pa ng units ng Motor taxi.
Napakasikip na aniya ng kalsada sa Metro manila, maging ang mga lehitimong tsuper sa pampublikong transportasyon na may prangkisa ay hirap nang kumita dahil sa dami ng motor taxi.
Ayon kay Chua, ang napagkasunduang cap sa motor taxi units ay hanggang 45,000 lamang.
Una rito, sinabi ng LTFRB na tatapusin na nila ang ginagawang pag-aaral at magsusumite sila ng rekumendasyon sa Kongreso.
Ayon kay Guadiz, naka-depende na sa Kongreso kung i-a-adopt ang kanilang rekomendasyon.
Madelyn Villar -Moratillo