Ika-10 Philippines-US Bilateral Strategic Dialogue, gaganapin sa bansa sa Enero 19 hanggang 20
Magkatuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of National Defense (DND) sa pangunguna sa 10th Philippines-United States Bilateral Strategic Dialogue (BSD) na isasagawa sa bansa sa darating na Huwebes at Biyernes.
Ayon sa DFA, ang BSD ay taunang pagtitippn na nagsisilbing pangunahing platform ng Pilipinas at Amerika upang mapagtibay ang matagal na alyansa at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Ang ika-siyam na BSD ay idinaos sa Washington DC noong November 2021.
Sa nasabing aktibidad ay tinatalakay din ang mga kasalukuyang hamon at tinutukoy ang bagong areas of cooperation ng Pilipinas at US.
Ilan sa mga inaasahang pag-uusapan ng mga opisyal ay ang ukol sa depensa, ekonomiya at iba pang bilateral, regional at global issues.
Sinabi ng DFA na parehong itinuturing ng dalawang bansa ang nakatakdang BSD na mahalagang oportunidad para umusad ang mga pag-uusap sa mga inisyatiba upang makamit ang mga layunin sa Joint Vision sa relasyon ng Amerika at Pilipinas.
Tiwala ang DFA na sa tulong ng dayalogo ay mapapanatili ang “positive trajectory” at momentum ng alyansa ng dalawang bansa alinsunod sa hangad ng Marcos Administration na kapayapaan at kaunlaran.
Moira Encina