Ika-1,000 episode ng Japan anime hit na ‘One Piece’ ipalalabas na
Dalawang dekada makaraang ipakilala ng “One Piece” sa mundo ang isang “swashbuckling pirate” na nakasuot ng straw hat, sabik nang hinihintay ng mga tagahanga ng Japanese cartoon series ang pagpapalabas ngayong weekend ng ika-1,000 episode nito.
Ang “One Piece” ay unang lumabas sa manga (comic book) form sa Japan noong 1997, na sinundan ng anime (animated TV series) version dalawang taon pagkatapos ng comic book.
Simula noon ang franchise ay naging isa nang global cultural phenomenon, na sumira ng mga record at nakakuha ng mga tagahanga sa buong mundo, ngunit hindi naman ito agad-agad na naging hit.
Kaugnay ng ika-1,000 episode ng “One Piece” ay sinabi ni Ryuji Kochi ng Toei Animation, ang Japanese company sa likod ng anime series . . . “It’s a miracle. From the beginning, it was a tough title. It was not easy to place on the TV.”
Hindi rin aniya naging ganun kadali ang paglago ng fanbase ng serye, na inabot ng 13 taon.
Subali’t sa ngayon aniya ay daang milyon na ang sumusubaybay sa adventures ni Monkey D. Luffy para matagpuan ang One Piece, ang kayamanang hinahangad na makuha ng bawat pirata.
Ang katanyagan ng manga version ay namalagi rin kahit nagsimula na ang TV version nito.
Ang creator nito na si Eiichiro Oda ang may hawak ng Guinness World Record para sa “most copies published for the same comic book series by a single author” na mayroong 490 milyon.
Ang ika-1,000 episode ng anime series ay ipalalabas sa 80 mga bansa ngayong weekend.
Sa Tokyo, isang higanteng banner ng main characters ang ikinabit sa Shibuya station, isa sa pangunahing transport hubs ng kapitolyo.
Planong magkaroon ng special screenings sa magkabilang panig ng US, habang sa France, na pinakamalaking manga at anime market sa buong mundo sumunod sa Japan, higit 100 cinemas ang nagbabalak na magsagawa ng “marathon watching binge.”
Ang fans mula Africa hanggang Europe at Middle East ay nagpost ng may 20,000 selfies sa isang fan site bilang parangal sa milestone ng One Piece.
Naging tampok din sa serye ang geographical at cultural references, mula sa ancient Egypt hanggang sa medieval Japan, na nakatulong para maramdaman na ito ay pang buong mundong serye. (AFP)