Ika-4 na yugto ng Nat’l Action Plan ng Pamahalaan vs Covid-19, handa na – Malakanyang
Kasado na ang ika-apat at huling yugto ng National Action Plan ng Pamahalaan laban sa pandemya ng COVID 19.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na patapos na ang ikatlong yugto ng Action Plan laban sa COVID-19 na nakasentro sa pagbuhay sa ekonomiya sa pamamagitan ng programang Ingat Buhay para sa Hanap Buhay gamit ang standard health protocol na Mask Hugas Iwas.
Ayon kay Nograles ang ika-aapat na yugto ng National Action Plan ang pinakamalaking hakbang dahil nakatuon sa roll-out ng anti COVID-19 vaccine dahil inaasahan na darating na ang mga bibilhing bakuna mula sa ibat-ibang manufacturers.
Inihayag ni Nograles, puspusan ang ginagawang paghahanda ng Department of Health (DOH) at ang tanggapan ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez para mapasimulan na ang mass vaccination program ng pamahalaann kontra COVID-19.
Niliwanag ni Nograles na nakapaloob sa unang yugto ng National Action Plan kontra COVID-19 ang ipinatupad na tolal lockdown sa ibat-ibang panig ng bansa at ang ikalawang yugto ay ang pagsasagawa ng contact tracing, mass testing, isolation at treatment para makontrol ang pagkalat ng virus.
Vic Somintac