Ikalawang araw ng paghahain ng COC para sa National positions, naging matumal
Naging matumal ang ikalawang araw ng paghahain ng kandidatura para sa National positions.
Sa pagka-Presidente, isang aspirante lang ang naghain ng Certificate of Candidacy.
Ito ay si Victoriano Inte, isang independent candidate na taga Pasay City.
Ayon kay Inte, sakaling palarin siyang manalo bilang Pangulo ng bansa, bubuksan niya ang lahat ng negosyo kahit na nagpapatuloy pa ang Covid-19 Pandemic.
Maraming negosyante na aniya ang nalugi dahil sa Pandemya kaya dapat buksan na ang mga ito.
Si Inte ang ika-pito sa mga naghain ng kandidatura sa pagka-Pangulo mula nang simulan ng Comelec ang filing ng COC.
Ilan sa mga naunang naghain ng COC sa unang araw ng COC filing para sa pagka-Pangulo ay sina Senador Manny Pacquiao, Cardiologist na si Dr. Jose Montemayor, Dave Agila, Ley Ordenes Edmundo Rubi at Lurencio Yulaga.
Nilinaw naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez na sa oras na matapos na ang filing ng COC ay pag-aaralan pa nilang mabuti ang listahan ng mga aspirante.
Ito ay upang matiyak na walang nuisance candidate na makakalusot.
Comelec Spokesperson James Jimenez:
“When we accept COC di pa yan final list ng candidates. There’s a process before given due course o umabot sa final list. Pero bibigyan naman aniya nila ng pagkakataon ang isang aspirante na patunayan na hindi ito nuisance candidate. There will be a hearing if necessary. Kabilang sa ikinukonsiderang nuisance candidate ng Comelec ay ang mga kumakandidato para lang tuyain ang election process. This includes people who filed to cause mockery. People who with intention to mislead the public. If you fit in any of this you risk of being declared as nuisance candidate”.
Madz Moratillo