Ikalawang bagyo ngayong taon, posibleng pumasok sa bansa bukas, Abril 16
Patuloy na binabantayan ng Pag-Asa ang Tropical Storm Surigae na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,140 kilometers East of Mindanao.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour at pagbugso ng aabot sa 105 KPH.
Mabagal ang pagkilos ng bagyo pa-Kanluran.
Bukas, Biyernes, Abril 16 ay inaasahang papasok sa bansa ang bagyo at papangalanan itong Bising bilang ikalawang bagyo sa bansa ngayong taon.
Kapag nakapasok na sa bansa ay inaasahang lalapit ito sa Silangang bahagi ng Katimugang Luzon at Visayas pero mababa ang tsansa na mag-landfall.
Posible rin na maging Typhoon ang category nito sa Biyernes.
Sinabi pa ng weather bureau, habang papalapit sa Eastern side ng Luzon at Visayas ay maaaring lumakas ito at magdala ng mga pag-ulan kaya pinaghahanda ang mga kinauukulang ahensya.
Ngayong araw, wala pang direktang epekto sa bansa ang bagyo pero magiging bahagyang maulap ang papawirin sa malaking bahagi ng bansa at may mga panandaliang pag-ulan sanhi naman ng thunderstorms.