Ikalawang batch ng Pinoy nurses, dumating na sa The Netherlands
Nasa The Netherlands na ang ikalawang batch ng Pinoy nurses.
Ang anim na nurse ay magtatrabaho sa Zuyderland Hospital sa Heerlen, Sittard.
Ang mga nars ay kinuha sa ilalim ng “Asia-Europe Talent Bridge” program ng OTTO Work.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), dumaranas ang Dutch health care sector ng kakulangan sa nursing staff.
Partikular na sa intensive care units (ICU) ng mga ospital.
Ang mga nurse na may malalim na karanasan sa intensive care ay itatalaga sa ICU ng Zuyderland Hospital.
Sinabi ni Philippine Ambassador to The Netherlands J. Eduardo Malaya na kinikilala ang Pinoy nurses sa kanilang expertise, professionalism at pagiging maaruga.
Pinapatunayan din aniya ng pagdating ng Filipino nurse ang magandang relasyon ng dalawang bansa lalo na pagdating sa labor at healthcare fields.
Sumailalim ang mga nurse sa walong buwan na training sa Pilipinas ukol sa Dutch language, culture, at healthcare.
Sasailalim din sila ng karagdagang 14-day training at orientation sa The Netherlands bago mag-duty.
Ang unang batch ng Pinoy nurses ay dumating noong October 26 at nagtatrabaho na sa HMC Hospital The Hague.
Moira Encina