Ikalawang Miss Globe crown, nakuha ng Pilipinas
Dinaig ni Binibining Pilipinas 2021 Maureen Montagne ang 50 iba pang delagado upang maiuwi ang ikalawang Miss Globe crown ng Pilipinas, makaraan itong mapagwagian ng isa ring Pinay noong 2015 na si Ann Colis.
Si Maureen ay kinoronahan ni Miss Globe 2020 na si Lorinda Kolgeci ng Kosovo.
Isa sa mga unang naging paborito, nakuha ni Maureen ang 2nd spot kapwa sa swimsuit preliminary at head-to-head challenge.
Sa final Q&A, ang sagot ng Pinay beauty ay inaprubahan at pinalakpakan hindi lamang ng ten-member panel ng judges kundi maging ng mga kapwa niya kandidata.
Samantala ang runners-up ay binubuo ng mga kandidata mula sa Canada (4th), Venezuela (3rd), Turkey (2nd), at Nigeria (1st).
Nagkataon din na ang 5 finalists ay kumakatawan sa 5 kontinente. Ang Asya (Pilipinas), Africa (Nigeria), Europe (Turkey), South America (Venezuela) at North America (Canada).
Ang winning performances sa gabi ng koronasyon ay nagmula kay Miss Siberia na nagpakita ng kahanga-hangang rhytmic gymnastics routine gamit ang isang ribbon, at isang Latin dance mula kay Miss Greece at sa kaniyang partner.
Bukod sa 5 finalists, nakapasok din sa semifinals ang Estonia(winner ng People’s Choice Award matapos manguna sa online poll), Brazil, Dominican Republic, Germany (itinanghal na Miss Social Media), Greece (winner naman bilang Miss Talent), Kazakhstan, Romania, Malaysia (winner ng Head-to-Head Challenge), USA, at Guyana (wagi bilang Miss Bikini).
Ang iba pang nagwagi ng minor awards ay ang South Africa (Miss Friendship), Finland (Miss Photogenic), Siberia (Miss Elegance), Italy (Miss Runway Model) at Peru (Best National Costume).
Sinagot ng Top 5 ang pre-recorded questions mula sa mga dating Miss Globe winners.
Ang 2021 Miss Globe pageant ay live streamed mula sa Tirana, Albania sa pamamagitan ng YouTube.
Ang Miss Globe ang tanging pageant platform na hindi nahinto ang kompetisyon sa kabila ng worldwide pandemic.