Ikalawang round ng oral arguments ng SC sa NCAP petitions, isasagawa sa Enero 24
Ipagpapatuloy ng Korte Suprema sa susunod na taon ang oral arguments sa mga petisyon laban sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa limang lungsod sa Metro Manila.
Isasagawa ang ikalawang round ng pagdinig sa Enero 24, 2023 sa ganap na 2:00 ng hapon sa Supreme Court En Banc Session Hall.
Sa unang araw ng oral arguments, inilahad ng mga kampo ng petitioners ang kanilang mga argumento kung bakit dapat ipawalang-bisa ng SC ang NCAP.
Nanindigan ang petitioners na labag sa Konstitusyon at ilang batas ang polisiya.
Hiniling naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na tumatayong abogado ng mga respondent na LTO at MMDA na ikonsiderang alisin na ang TRO laban sa implementasyon ng NCAP.
Sinabi ni Guevarra na isa ang nasabing polisiya sa innovative solutions sa trapiko sa Metro Manila.
Nasa kapangyarihan din aniya ng pamahalaan na magpatupad ng polisiya sa trapiko para sa kapakanan ng mamamayan.
Inatasan naman ng SC ang petitioners at respondents na isumite ang mga hinihinging dokumento sa mga ito sa loob ng limang araw.
Moira Encina