Ikalawang rounds ng oral arguments sa mga petisyon kontra Anti Terror law, isasagawa ngayong araw
Ipagpapatuloy ngayong araw ng Korte Suprema ang oral arguments sa mga petisyon laban sa implementasyon ng Anti- Terrorism Act.
Alas-2 ng hapon itinakda ang pagsisimula sa ikalawang rounds ng oral arguments.
Inaasahang itutuloy ng mga mahistrado ang kanilang interpelasyon sa abogado ng mga petitioners.
Noong nakaraang Martes, ang panig ng petitioners ang unang nagprisinta ng kanilang argumento.
Iginiit nila na labag sa Saligang Batas ang ilan sa mga probisyon ng Anti- Terrorism law kaya dapat itong maipawalang-bisa.
Sa kanya namang interpelasyon sa mga abogado ng petitioners, sinabi ni Justice Marvic Leonen na mas mabuting hintayin ng Korte Suprema na mayroong aktwal na paglabag sa implementasyon ng batas bago nila panghimasukan ito.
Inihayag ni Leonen na naiintidihan niya ang pangamba ng mga petitioners pero dapat maging maingat ang Supreme Court na huwag maging isang political department.
Moira Encina