Ikatlong petisyon laban sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao, inihain sa Korte Suprema
Kinuwestyon na rin ng grupo ng mga human rights lawyers sa Korte Suprema ang ikatlong extension ng Batas Militar sa Mindanao.
Ito na ang ikatlong petisyon laban sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao hanggang sa December 31,2019.
Hiniling ng grupo ni Atty Christian Monsod sa Supreme Court na ipatigil at ideklarang labag sa Konstitusyon ang muling pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao.
Hinimok din ng mga petitioners ang Supreme Court na maging ‘proactive’ sa pagdetermina kung may sapat nga ba talagang factual bases para sa extension ng martial law.
Iginiit nina Monsod na hindi dapat na magbatay lamang ang Korte Suprema sa impormasyon mula sa gobyerno na may basehan sa pagpapalawig ng Proclamation 216.
Naniniwala rin ang mga petitioners na bumuti ang sitwasyon sa Mindanao at hindi lumala.
Ulat ni Moira Encina