Ilan pang Anti-Terror law petitioners, tinutulan ang mosyon ng OSG na kanselahin ang oral arguments sa kaso
Kinontra ng ilan pang petitioners sa Anti- Terrorism Act ang mosyon ng Office of the Solicitor General na kanselahin ang oral arguments sa mga petisyon laban sa kontrobersyal na batas.
Sa Joint Opposition ng grupong BAYAN at mga Sangguniang Kabataan officers, hiniling nila na ibasura ng Korte Suprema ang urgent motion ng OSG at isagawa ang oral arguments.
Iginiit nila na taliwas sa katwiran ng OSG, hindi malalagay sa panganib ang kalusugan ang mga partido sa kaso kapag nagsagawa ng oral arguments.
Ayon sa mga petitioners, maaaring isagawa ang pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing.
Giit pa ng mga grupo isang disservice sa taumbayan kung hindi itutuloy ang oral arguments lalo nat malaki ang interes ng publiko sa Anti-Terror law.
Kasabay nito, naghain din ang grupo ng Joint Urgent Motion para maglabas ang Supreme Court ng TRO o injunctive relief laban sa implementasyon ng batas.
Partikular na pinapipigilan nila sa SC ang pagconvene ng Anti- Terrorism Council, pagbuo at pagisyu ng implementing rules and regulations ng Section 54 ng batas, pagganap ng Anti- Terror Council sa trabaho nito, at pagbuo ng Joint Oversight Committee.
Una nang inihayag ng Korte Suprema na plano nilang idaos ang oral arguments sa ikatlong linggo ng Setyembre.
Pero sa ngayon ay wala pang inilalabas ang SC na abiso kung tuloy o hindi ang oral arguments sa mga Anti Terror law petitions.
Moira Encina