Ilan pang residente ng ARMM, ipinababasura sa Korte Suprema ang mga petisyon kontra sa Bangsamoro Organic Law
Ipinababasura ng ilan pang residente ng ARMM ang mga petisyon na kumokontra sa Bangsamoro Organic Law o RA 11054.
Ito ay sa pamamagitan ng comment-in-intervention na inihain nina Atty Algamar Latiph, Atty Musa Malayang at Pendatun Disimban.
Nais nila na ikonsidera ng Supreme Court ang kanilang komento dahil bilang mga registered voters at concernced citizens sila ang maapektuhan kapag ipinawalang-bisa ang BOL.
Sa kanilang mahigit 20 pahinang komento, iginiit nina Latiph na walang nilalabag na probisyon ng Saligang Batas ang BOL.
Paliwanag nila walang nakasaad sa Konstitusyon na naglilimita sa Kongreso para lumikha ng isang Organic Act.
Ayon pa sa mga intervenors, ang binubuwag ng BOL ay ang bureaucratic organization o offices ng ARMM at hindi ang mismong autonomous government.
Ipinunto pa nina Atty Latiph na isang peace at development document ang BOL na ang pinagbatayan ay ang Saligang Batas.
Sa Enero 21 at Pebrero 6 itinakda ang plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law.
Ulat ni Moira Encina