Ilang bahagi ng Hilagang Luzon, makararanas ng mga pag-ulan dulot ng Habagat
Apektado ng Southwest Monsoon (Habagat) ang Kanlurang bahagi ng Hilagang Luzon ngayong araw.
Ayon sa PAGASA, maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat ang iiral sa Ilocos Norte, Batanes, at Babuyan Islands.
Posible rin ang landslides at flashfloods kung may malakas na pag-ulan.
Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap ang papawirin na may isolated rainshowers at thunderstorms dulot namang ng localized thunderstorms.
Patuloy din na binabantayan ng PAGASA ang Severe Tropical Storm Chaba, na dating bagyong Caloy nang ito ay nasa loob pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Alas-3:00 ng madaling-araw, namataan ang bagyo sa 1,120 km Kanluran ng Extreme Northern Luzon, labas ng PAR.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 km/h at pagbugso ng hanggang 160 km/h.
Magiging katamtaman naman hanggang sa malakas ang alon sa mga baybayin ng Northern at western sections ng Luzon kaya pinag-iingat ang mga maglalayag.