Ilang bangko iniimbestigahan na rin ang isyu sa GCash
Inaaksyunan na umano ng ilan sa mga bangko ang isyu sa e-wallet app na GCash.
Ito ay makaraan na iulat ng GCash users na nawalan sila ng pera at nailipat ito sa isang account sa EastWest Bank at sa Asia United Bank.
Ayon sa EastWest Bank, agad sila na nagsagawa ng internal investigation sa insidente.
Tiniyak din ng bangko na nakikipagtulungan sila sa mga otoridad at institusyon na sangkot sa isyu para ito agad na maresolba.
Agad naman na ini-hold ng Asia United Bank ang account na sangkot sa fund transfer.
Ayon sa AUB, inalerto sila ng GCash ukol sa ilang GCash transactions kung saan inililipat ang pondo sa isang AUB account sa pamamagitan ng InstaPay.
Siniguro rin ng AUB na nakikipagugnayan na sila sa GCash sa imbestigasyon sa dawit na account.
Una nang sinabi ng GCash na walang nangyaring hacking sa kanilang sistema at na-adjust na ang e-wallets ng mga naapektuhang users.
Tiniyak din ng digital wallet platform na intact at ligtas ang mga pondo ng kanilang users.
May nakalatag umano sila na proactive cybersecurity policies para maprotektahan ang kanilang customers.
Moira Encina