Ilang big time smugglers ng sibuyas, inaresto
Inanunsyo ni Senador Cynthia Villar na may nasampulan na sa kampanya laban sa smuggling ng mga agricultural products.
Sa budget hearing ng Department of Agriculture, iniulat ni Villar na inaresto ang ilang big time smugglers ng sibuyas na sina Jayson de Roxas Taculog at Mary Tumibay.
Ang dalawa ay inaresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Manila RTC sa sampung kaso ng smuggling ng agricultural products.
Ayon sa Senador, si Taculog ay may-ari umano ng anim na kumpanya na iligal na nagpasok sa bansa ng 30 containers ng sibuyas.
Kinasuhan ito ng labinlimang counts ng smuggling pero lima dito ay ibinasura na ng korte.
Sinabi pa ni Villar na ang Onion Queen na si Leah Cruz ay kasalukuyan namang iniimbestigahan ng Department of Agriculture at Philippine Competition Commission.
Si Cruz aniya ay mahigit sampung taon nang namamayagpag dahil sa pagkakasangkot sa smuggling ng agri smuggling.
Iginiit naman ng Senador ang pangangailangan na maaprubahan na ang amyenda sa anti-economic sabotage law.
Sa ilalim ng isinusulong na panukala, awtomatikong makukulong ang sinumang kinasuhan ng smuggling habang dinidinig ang kaniyang kaso.
Samantala, sinabi ni Villar na sinimulan na ng gobyerno ang pagtatayo ng mga storage facilities ng sibuyas sa buong bansa.
Ito’y para maiwasan ang hoarding na isa sa itinuturong ugat nang pagsirit ng presyo nito sa merkado.
Meanne Corvera