Ilang biyahe ng sasakyang pandagat, kanselado dahil sa bagyong “Egay”
Dahil sa epekto ng bagyong egay, kanselado ang ilang byahe ng mga sasakyang pandagat sa mga lugar na apektado ng sama ng panahon.
Sa ulat ng Philippine Ports Authority (PPA), sa Leyte ay suspendido ang biyahe mula Palompon-Bogo vice versa, maging ang biyaheng Baybay-Cebu ng MV Rosalia 3, at biyaheng Hilongos-Cebu ng MV Gloria 3 at MV Gloria 1 ng Gabisan Shipping Lines.
Suspendido rin lahat ng biyahe ng sasakyang pandagat sa mga lugar na sakop ng Western Leyte dahil sa malalaking alon at malakas na hangin.
Sa Bicol naman, suspendido lahat ng biyaheng Legazpi – Rapu-Rapu sa Albay,
MV “Monreal” na Pio Duran, Albay – Claveria/Mobo, Masbate dahil naman sa Gale Warning dulot ng habagat.
Sa Palawan, suspendido ang lahat ng byahe mula sa Brooke’s Point dahil din sa Gale Warning.
Suspendido rin ang mga biyahe sa timugang bahagi ng Quezon province na nasa Signal Number 1.
Sa Samar naman suspendido ang biyahe ng SeaCat na may rutang Calbayog – Cebu vice versa.
Sa Batangas Port, NCR – South Port, at Mindoro Port, kanselado rin lahat ng biyahe dahil sa bagyo.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), aabot sa halos 10 libong pasahero, truck drivers, at cargo helpers na ang stranded sa mga pantalan sa Bicol, Eastern Visayas l, Southern Tagalog, at Central Luzon dahil sa masamang panahon.
Sa monitoring ng PCG, may 75 vessels, at 1,834 rolling cargoes din ang stranded.
May 102 vessels, 61 motorbancas naman ang naka-shelter bilang pag-iingat.
Madz Villar Moratillo