Ilang incumbent Senators posibleng idawit rin ni Napoles sa pork barrel scam
May mga incumbent Senator na posibleng idawit pa ni Janet Lim Napoles sa anomalya sa pork barrel.
Itoy kapag pinayagan si Napoles na maging state witness matapos mapawalang sala sa kasong illegal detention na isinampa ni Benhur Luy.
Tumanggi si Senador Panfilo Lacson na magdetalye kung sino sa mga Senador ang dawit sa pork barrel scam pero inamin nito na ito ay mga Senador na nakalusot sa kaso noong dinidinig ng Senado at DOJ ang pork barrel issue.
Nakita rin ni Lacson ang listahan ng mga mambabatas na naka-transaksyon ni Napoles sa kanilang mga pekeng Non-Governmental Organization o NGO.
Pangamba ni Lacson baka mawalan na ng quorum sa Senado kung magtuturo si Napoles ng iba pang mambabatas na sangkot sa naturang anomalya.
Pabirong sinabi ni Lacson na kung ituturo ang mga ito ni Napoles at hahabulin ng kasalukuyang gobyerno, malamang sa Custodial Center na gaganapin ang sesyon ng Senado dahil mapupunta doon ang karamihan sa mga Senador.
Pero naniniwala si Lacson na mahaba pang salaysayin kung maaaring maging state witness si Napoles
Nakahain na sa Sandiganbayan ang kaso laban kay Napoles, kaya ang Korte na rin ang titimbang at magpapasya kung maaari pa itong maging state witness.
Ulat ni: Mean Corvera