Ilang kalsada sa mga lugar na naapektuhan ng magkasunod na bagyo, hindi pa madaanan – DPWH
Nag-abiso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na nananatiling sarado ang bahagi ng Ternate Nasugbu Road na nasa Brgy. Sapang II sa Ternate, Cavite dahil sa nangyaring pagguho ng lupa sa kasagsagan ng bagyong Kiko at Jolina.
Ayon sa DPWH, maaaring dumaan na lang muna sa Tagaytay Batangas via Tuy Road ang mga motorista bilang alternatibong ruta.
Samantala, ayon sa DPWH, may baha pa rin sa Nueva Ecija – Aurora Road, Diteki River Detour Road at hindi pwede ang mga maliliit na sasakyan.
Habang sa Pinagpanaan-Rizal Pantabangan Road junction, sa Brgy. Bicos sa Rizal, Nueva Ecijaay 1 lane lang ang passable dahil sa nasirang bridge deck habang ang Sto. Tomas – Minalin Road Minalin – Macabebe Section sa Telacsan, Macabebe, Pampanga ay bukas lang sa mga malaking sasakyan dahil sa baha.
Ang Batangas-Tabangao-Lobo Road, at Jaro-Dagami-Burauen- Lapaz Road, Marabong Bridge sa Brgy. Moging, Burauen, Leyte naman ay passable lang sa maliliit na sasakyan matapos may masirang seawall at iba pang pinsala sa kalsada at bahagi ng tulay dahil sa magkasunod na bagyo.
Tuluy-tuloy naman ang ginagawang clearing operation ng DPWH Quick Response Teams para mabuksan na ang mga saradong kalsada sa lalong madaling panahon.
Madz Moratillo