Ilang kalsada sa Regions 3 at 4A, isinara kasunod ng pananalasa ng bagyong Jolina
Apat na kalsada sa Regions 3 at 4A ang isinara dahil sa pananalasa ng bagyong Jolina.
Sa abiso ng Department of Public Works and Highways (DPWH) -Bureau of Maintenance, kabilang sa mga saradong kalye dahil sa binaha ay ang Nueva Ecija – Aurora Road K0211+786, Diteki River Detour Road sa Aurora at Lemery-Taal Diversion Road sa Brgy. Palanas, Lemery, Batangas
Hindi rin passable ang Indang-Alfonso Via Luksuhin Road, K0073+500 section dahil sa mga nagbagsakang puno.
Habang sarado rin ang Tagaytay – Taal Lake Road, K0060+020 sa Brgy. San Jose, Tagaytay City, Cavite dahil sa landslides.
On-going na ang clearing operations ng mga tauhan ng DPWH sa mga apektadong kalye.
Samantala, ang Nueva Ecija – Aurora Road at K00159+500 Baong Spillway at K0162+000, Labi Spillway sa Brgy. Labi, Nueva Ecija ay passable lamang sa mga malalaking sasakyan dahil sa mataas pa rin ang tubig-baha.
Limitado rin ang access sa mga kalsada ng Calamba-Sta Cruz-Famy Jct. Road, K0059+359 – K0059+600 at K0049+850 at Manila South Road K0039+200, K0037+530 sa Laguna, at Tayabas-Mainit-Mauban Road K0164+225 at K0167+ 1076 sa Quezon at tanging mga heavy vehicles lamang ang maaaring dumaan.
Sa Leyte, passable naman na sa light vehicles ang Jaro-Dagami-Burauen-Lapaz Road sa Marabong Bridge, Brgy. Moging, Burauen.
Inabisuhan ang mga biyaherong daraan sa Burauen patungong La Paz ay maaaring dumaan na lamang sa Burauen-Julita-Dulag-Mayorga-La Paz.