Ilang kawani ng Korte Suprema, obligadong pumasok sa panahon ng ECQ
Bagamat pisikal na sarado ang Korte Suprema at ang mga tanggapan nito hanggang sa Agosto 20 bunsod ng lockdown ay obligadong magreport sa trabaho ang ilang kawani ng mga piling opisina nito.
Sa panibagong memorandum order na inilabas ni Chief Justice Alexander Gesmundo, inamyendahan nito ang naunang kautusan at sinabing kinakailangang pumasok ng pisikal sa SC ang ilang empleyado.
Kabilang na rito ang mga tumatanggap ng mga kaso, pleadings at resolution ng urgent matters gaya ng receiving section ng Judicial Records Office at Office of the Clerks of Court.
Dalawang beses kada linggo naman ang pasok ng mga kawani ng mga opisina na nagaasikaso sa suweldo ng nasa hudikatura.
Required din na pumasok ang mga empleyado ng Office of the Bar Confidant para tumugon sa urgent matters ukol sa Bar exams; tatlong medical personnel at isang ambulance driver; motorpool drivers, at security and maintenance personnel ng SC.
Mula ika-9 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon lamang ang opisyal na pasok ng mga nasabing kawani.
Pinaalalahanan din ng SC ang mga abogado at mga litigants na hindi pinapayagan ang personal na filing ng mga pleadings habang lockdown.
Maaari lang itong gawin sa pamamagitan ng registered mail, private couriers o email.
Para naman sa natatanging urgent matters, puwede itong personal na ihain sa Docket Receiving Section ng Judicial Records Office.
Iniutos din ni Gesmundo na ang mga opisyal na pagpupulong ng nasa hudikatura kabilang na ang trainings, seminar at conventions ay isasagawa lahat online sa panahon ng lockdown.
Moira Encina