Ilang Kongresista hindi umano kuntento sa liderato ni Speaker Romualdez
Kung may usok, may sunog!
May ilang mga mambabatas umano ang hindi kuntento sa pamamalakad ni House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang nakikitang dahilan ni Atty. Ed Chico, isang political analyst, sa political drama na nasaksihan sa Kamara de Representante nitong mga nakaraang araw.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni Atty. Chico na hindi magkakaroon ng ugong ng coup de etat kung matibay ang liderato.
Sinabi ni Atty. Chico na dumarami ang bilang ng mga Kongresista na hindi nasisiyahan sa pamamalakad ni Speaker Romualdez.
“Sa Kongreso, hindi magkakaroon ng ugong-ugong ng coup de etat kapagka unang-una sa lahat ay matibay yung leaderships, so yung mga naririnig-rinig ko po dyan, may mga kongresista na medyo may hindi pagka-gusto sa pamamalakad ni Speaker Romualdez, yung mga kadahilanan nai-kwento sa akin pero hindi ko masasabi, pero definitely may mga kongresista na hindi content, at yang mga bagay na yan, kung minsan yan ang nagiging mitsa para magkaroon ng paglipat ng loyalty, that’s when a coup de etat could only be possible,” paliwanag ni Atty. Chico.
Gayunman, hindi aniya mangyayari ang anumang coup de etat sa Kamara kung walang magiging basbas ng isang Pangulo.
Sa pagkakataong ito, si Speaker Romualdez ay pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“For coup de etat to be successful, kailangan is the President should be actually on it, at the very least dapat alam ng Pangulo yan, at the very least may blessing sya, at kung may blessing sya ay pwede nyang hayaan sila,” paglilinaw pa ni Atty. Chico.
“In this case alam natin kung sino ang tinindigan ni Pangulong Marcos, obviously yung kung sino yung mananatili, definitely he will enjoy the support of the President,” dagdag pa niya.
Naniniwala si Atty. Chico na hindi apektado ng nangyayari sa Kamara ang samahan nina Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte.
Ang pagtatanggal kay Arroyo sa pwesto ay nagbunsod din sa pagkalas ni Duterte sa Lakas-Christian Muslim Democrat (CMD) kung saan presidente si Romualdez.
Sinabi ni Atty. Chico na ang pagpayag ni VP Sara na tumakbo ka-tandem ni Pangulong Marcos noong nakaraang eleksyon ay nagbigay sa kaniya ng impluwensya sa liderato.
Weng dela Fuente