Ilang Kongresista, maghahain muli ng petisyon sa SC kontra Martial Law extension sa buong Mindanao
Pag-aaralan ng ilang kongresista ang paghahain muli ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang desisyon ng Kongreso na palawigin ang Martial Law declaration ng hanggang Disyembre 31.
Ayon kina Act Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin at Albay Rep. Edcel Lagman, ito ang nakikita nilang susunod na tatahaking hakbang ng Makabayan Bloc at Magnificent 7 sa Kamara.
Sinabi ni Lagman na walang basehan ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao sapagkat wala naman aniyang “actual rebellion” kung kaya’t hindi rin dapat itong palawakin sa buong rehiyon.
Hindi rin aniya tama na mas mahaba pa ang extension kumpara sa bilang ng araw na itinakda sa naunang Martial Law declaration.
Sinabi naman ni Tinio na maari pa rin silang maghain ng hiwalay na petisyon sa Supreme Court dahil ibang usapin naman aniya ang kanilang inihain sa naunang deklarasyon ni Pangulong Duterte ng batas militar.