Ilang kongresista umapela sa SC na irespeto ang desisyon ng Kongreso na huwag magdaos ng joint session para sa Martial Law
Umapela si House Deputy Speaker at Capiz Cong. Fredenil Castro sa Korte Suprema na irespeto ang desisyon ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso na huwag ng magsagawa ng joint session kaugnay ng Martial Law Declaration sa Mindanao.
Sa pamamagitan nito ayon kay Castro ay maiiwasang magkaron ng Constitutional Crisis.
Matatandaan na una ng sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi nila susundin sakaling maglabas ng kautusan ang Korte Suprema para sa joint session.
Nagbabala pa ang House Speaker na pupunitin ang desisyon ng Supreme Court.
Giit ni Castro, nagdesisyon na ang Senado at Kamara na huwag ng magsagawa ng joint session at dapat itong irespeto ng SC bilang co equal branch para maiwasan ang banggaan ng dalawang sangay ng pamahalaan.
Kahit pa igiit aniya ang joint session, kapwa aprubado naman na ng Senado at Kamara ang Martial Law declaration kaya balewala na ring magsagawa pa nito.
Sa tanong naman kaugnay sa pagsuway sa utos ng SC, ipinaalala ni Castro na noong kalihim pa ng Department of Justice si Sen. Leila de Lima ay hindi rin nito sinunod ang utos noong ng SC na hayaan makapagpagamot sa ibang bansa si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa halip ipinaaresto aniya ni de Lima si Arroyo…at sa kabila nito ay wala namang ginawang anumang hakbang ang Korte Suprema laban sa dating Justice Secretary.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo