Ilang korporasyon at negosyante mula sa Laguna at Davao, kinasuhan ng tax evasion sa DOJ dahil sa mahigit 160 million pesos na hindi binayarang buwis
Sinampahan ng BIR ng reklamong tax evasion sa DOJ ang limang korporasyon at isang negosyante mula sa Laguna at Davao dahil sa bigong mabayarang buwis na mahigit 161 million pesos.
Ang mga ito ay ang Laguna taxpayers na TRANSTECH SHUTTLE SERVICE, INC, SHUTTLE CLUB PHILIPPINES CORPORATION, MATTEN TECHNOLOGIES at mga corporate officers ng mga ito,at ang retailer na si SWEE KIM TAN GO.
Kabuuang 96 million pesos ang tax liability ng apat na respondents para sa mga taong 2007, 2008, 2010 at 2012.
Hinahabol din ng BIR ang DTI OVERLAND TRANSPORT CORPORATION at mga opisyal nito na mula sa Davao City dahil sa utang sa buwis noong 2009 na mahigit 62 million pesos.
Kinasuhan din ng paglabag sa Tax Code ang PENTA TECHNOLOGICAL PRODUCTS, INC. at mga opisyal nito dahil sa 3.8 million pesos na hindi binayarang withholding tax noong 2016.
Ulat ni Moira Encina