Ilang linggo bago ang deadline ng voter registration, mga magpaparehistro dagsa sa mga tanggapan ng Comelec
Labing anim na araw bago ang deadline ng voter registration, dagsa na ang mga kababayan nating nais magparehistro sa mga tanggapan ng Commission on Elections.
Sa Aroceros kung saan naroon ang tanggapan ng Comelec sa Maynila, maaga palang mahaba na ang pila ng mga nais magparehistro.
Sa dami ng magpaparehistro, ang pila umabot na hanggang sa may gilid ng Central station ng LRT.
Ayon sa Comelec, hanggang sa Setyembre 30 nalang pwedeng magparehistro ang mga nais makalahok sa 2022 elections at hindi na ito palalawigin pa.
Nagbukas na rin ng voter registration ang Comelec sa mga malalaking mall sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan pwedeng magparehistro ang mga kababayan natin.
Bukod pa ito sa mga itinalagang satellite registration ng poll body.May mga nag-iikot namang pulis para masiguro ang physical distancing.
Ito nalang umano ang magagawa ng poll body dahil kapag pinalawig nila ang panahon ng voter registration, maaapektuhan ang kanilang paghahanda para sa halalan sa Mayo.
Ang voter registration para sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine o GCQ ay mula Lunes hanggang Byernes 8am hanggang 7pm at 8am hanggang 5pm naman sa araw ng Sabado at holidays.
Habang sa mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine naman, ang pagpaparehistro ay mula 8am hanggang 5pm mula Lunes hanggang Sabado at maging sa araw ng Holidays.
Wala namang voter registration sa mga lugar na nakasailalim sa ECQ.
Target ng Comelec na makapagrehistro ng 5 milyong bagong botante hanggang sa matapos ang panahon ng voter registration.
Madz Moratillo