Ilang LP Congressmen, balak kumalas sa Super Majority dahil sa isyu ng death penalty
Napipinto nang kumalas sa Super Majority sa kamara ang ilang Liberal Party Congressmen dahil sa isyu ng nalalapit na botohan sa panukalang pagbuhay sa death penalty.
Pero batay sa napagkasunduan sa ginawang caucus ng LP, maglalabas ng pinal na desisyon ang partido sa oras na matapos na ang botohan ng Death Penalty Bill sa kamara.
Ipinaliwanag ni Quezon City Cong. Kit Belmonte na idinadaan nila sa proseso ang anumang magiging desisyon ng kanilang partido.
“Kailangang pataasin ang politika kaya dapat idaan sa processing ang anomang magiging desisyon naming”.- Cong. Belmonte
Kung hindi mababago, nakatakdang isalang ngayong araw sa botohan sa kamara para sa ikalawang pagbasa ang kontrobersyal na panukala.
Hinamon naman ni Albay Cong. Edcel Lagman si House Speaker Pantaleon Alvarez na ituloy ang bantang alisin sa Super Majority at tanggalan ng Chairmanship ang lahat ng kongresistang boboto ng tutol sa death penalty.
Ayon kay Lagman, kung hindi ito gagawin ni Alvarez ay wala nang maniniwala dito.
Kailangan itong pangatawanan ng Speaker lalo pa at maraming kontrobersiyal na panukalang itinutulak ang Duterte administration.
Ulat ni: Madelyn Villar-Moratillo